Tick tock! Tick Tock! Ang bati ng orasan alas dos ng umaga. Bumangon. Nagmadali. Bawat hakbang palapit sa pangarap. Kailangang habulin ang bus na naghihintay at hahagibis paluwas pagsapit ng Alas-Tres. Ninais kong ipahinga ang lumo ko pang mata habang umaandar ang sasakyan at wala pa naman sa Maynila.
Madilim pa nang kami ay bumaba. Parang hindi alas sais. Kasama ko si Mama at sumakay naman kami ng taxi patungo sa DENR kung saan ibaba ang mga panindang inangkat mula sa Laguna. Simula ng isang Lunes, isang buong Linggo kong pananatili sa Maynila. Hindi ko alam kung ano pa ang mga naghihintay. Sinimulan ko ito sa pagtungo sa banal na lugar. Doon hinangad ko na maging maayos ang lahat sa pag-aaply ko sa araw na ito. Pagbalik ko sa DENR saka naman kami nagagahan ni Mama. inihanda ko na ang mga gamit upang pumunta sa mga ahensiya at kumpanya na maaaring maging pugad ng mga pangarap at pagbangon at pagahon ko mula sa ganito kong kalagayan.
Sandali pa'y naghiwalay na kami ni Mama upang ako nama'y tumungo na sa kung saan ako papadparin ng mga pangarap. Matagal akong naghintay ng masasakyan, parang walang tumatakbo sa utak ko lumulutang lamang. Pagkasakay sa nagmmadaling bus kasabay umalampay ng katawan ko ang isipan ko habang ang loob ng sasakyan ay punong puno sa nagpapatirapaang mga kaluluwang dito sa lunsod naghahanap ng katuturan. Final Destination ang palabas sa bus. Noong sumapit na sa EDSA Santolan, natapos ito at sinundan ng "You To Me Are Everything" na hindi ko na natapos sapagkat sandali lamang ay naroon na kami sa EDSA Ortigas. Bumaba ako at tumungo sa DOTC. Isinubmit ko lamang ang resume ko doon. Nilakad ko na patungo sa Ortigas Road. Isang lingap ng mata at natagpuan ko na ang Strata 2000 blg. Bagamat ilang ulit na akong bumalik sa gusali, tila nanibago pa rin ako. Hindi na si Jerome ang matatagpuan sa booth ng Wave. Si KC Montero ang nakita kong nakaupo doon. Parang kailan lamang na puno pa ako ng pangarap habang pinapasok ang lugar na iyon. Si KC Montero ay nakita ko sa unang pagkakataon. Hindi gaya ni Jerome na nakausap ko noon para sa isang panayam, tinitigan ko lang siya.
Maya-maya pa'y nasa Robinsons Galleria na ako. Sa loob nito ako kumain ng tanghalian. Namasyal at nagpahinga. Nagpalamig. Nagisip kung saan pa ako pupunta sa kinabukasan. Saan kaya ako matutulog dahil hindi pa nagte-text si Ate Juvy. Gayak kong doon ako tutuloy pansamantala. Sa UP Diliman ko na natanggap ang text niya. Eksaktong address kung saan ko siya matatagpuan. Tinungo ko na ang Pasig. Bumaba ako sa Oranbo. NIlakad patungo s amay Dunkin Donut at doon ako kinaon ni Kuya Marlon. Puno ng tanong ang isipan ko habang binabagtas namin ni Kuya Marlon ang daan patungo sa kanila. Lumutang nanaman ang isipan ko at mukhang napuno ng bagabag ang puso ko. Hindi ko maipaliwanag ang nadarama ko noong sandaling yun. Ang tanging alam ko lamang ay nangangamba ako. Nangangamba sa bukas. Sa mga unknown. Sadya bang ganito dito? Sobrang siksikan at madaming tao. Sa makipot na daanan nakaklat ang mga bata at mga mata ng mga nakaupo sa harapan ng mga bahay at waring tinatanong din nila sa sarili kung sino nga ba ang taong yan na kasakasama ni Marlon.
Hindi pa ba dito? Gaano pa kalayo ang lalakarin? Sa sandaling oras parang nilalakad mo ang daigdig dahil sa wala kang kaalaman. Parang walang katapusan ang makipot na daanan. Sa wakas1 Nang makita ko ang gate na asul, binuksan ni Kuya Marlon, alam kong naroon na kami. Maya-maya nagpatulong sila upang hakutin ang mga gamit dahil ililipat na sa kabilang apartment.
Sa isang amliit na kuwarto doon naninirahan ang pinsan ko kasama ang kanyang asawa. Sa panandaliang panhon ay kailangan kong makituloy kahit na alam kong mabigat na sa kanila ang mga pasanin at dadagdag pa ako. Ang laki ng ipinagbago ng pangangatawan at anyo ni Ate Jhuvs palihasa'y buntis at bukas ay mukahang manganganak na. Buti at narito ako. Habang isinasakay sa kariton ang mga gamit ako nama'y nagbabantay. Nagkaroon ako ng pagkakataon na makita ang buhay sa paligid ng bahay na kanilang tinutuluyan. Naroon ang mga batang walang nais kung hindi maglaro. Ang mga nakatambay na matatnda na pinupuna ang pagusad ng ulap at pagdilim ng langit habang gumagabi. Ang pagsipat sa dala ng mga dumadaan. Maya maya dumating ang isang binatilyong may kariton. Humakot siya ng mga yerong may kalawang na nasa tapat lamang ng bahay. Itinupi niya ang mga yaon sa pagpalo ng martilyo upang maunat ang mga likuan. Pinilit niyang magkasya ang mga yero sa kariton at saka itinulak. Itinulak namin ang kariton namin dala ang mga gamit sa lilipatang bahay. Nakita ko ang lilipatang bahay. Ilang araw mula ngayon doon na sila maninirahan kasama ang bagong miyembro ng pamilya nila. Ang anak na isisilang.
Saka naman dumating si Tita Sonia at si Ate Jhonie. Dala ni Ate Jons ang anak niyang si Zion. Ngayon lang nakita ang pamangkin ko mula nang maisilang siya noong April 4 2010. Ang cute ng bata. Nakakatuwa na sa buwan niyang siyam ay kaya na niyang humakbang-hakbang pautiuti at nangangagat na dahil tumutubo na ang mga ngipin. Kahahpunan lamang namin. Sama sama kami. Maya maya pa'y umalis na si Ate Jhonie dahil doon siya matutulog sa kuwartong inuupahan ng kapatid niyang dalaga. Hindi kasi puwedeng lahat kami sa kuwarto nila Ate Jhuvie dahil sobrang masikip nga.
Naguumpisa pa lamang ang aking pakikibaka sa masalimuot na mundong itinatago ng lunsod. Ang mga hindi natin nakikita sa likod ng mga gusali at naggagandahang pader, nag-unfold bigla sa akin ngayon. Handa na nga kaya ako? Makakaasang isasapanulat ko lahat ng mga kaganapang magaganap sa pagpapatuloy ng pananatili ko rito. Bukas, dadalhin na sa ospital si Ate Jhuvs at gayak ring magkikita kami ni Je. Saan pa kaya mapapadpad bukas? Sana lahat maging maganda. Sa makita ko pa ulit si Zion at sana dumating na at salubungin na ng mundo ang isa ko pang pamangkin na isisilang. Sana'y mas maging masaya pa sa mga susunod na araw.
No comments:
Post a Comment