Wednesday, December 15, 2010

Ten Days Before Unwrapping Gifts

Just for a thought, today is a culmination of this half-month of December. A chain of milestone made this December a very very good one.

Sunday, December 12, nagkaroon ako ng pagkakataon na mapasaya ang sarili ko in memory na rin noong nangyari seven years ago. Although a Sunday, naging sobrang special pa rin naman ng mga activities. What about that? The first time na nakita ko si Jennelyn Mercado.

Monday, December 13, truly a milestone. Dinala ni Isaac si Irish sa bahay. Sa wakas ipinakilala na rin niya ang babaeng nagpapasaya sa kanya ngayon at sana siya na nga habambuhay. Mabait naman si irish at mukhang desente. Mukhang ring inosente at hindi gagawa ng masama dahil na rin sa unang boyfriend niya si Vicoy. Go Vicoy! Sana maging mas masaya pa sila at sana makasama namin si Irish sa pasko. Ako pa lang kasi ang nakakikita sa kanya. SI Je, Jophet, at iba pa hindi pa niya knami-meet.

Noon namang Martes, December 14. Kahapon lang. Lumaya na mula sa 15 taong pagkakabilanggo sila Hubert Webb at mga kasama sa Vizconde Massacre. Talagang breaking news yun kahapon. Ang daming matututunan ng sambayanang Pilipino mula sa karanasang iyon ng mga Webb pero hindi yun ang discussion ko nayon eh.

Kasi nga ang December 15 ang pinakasummit ng lahat ng ito ngayon. Tomorrow start na ng panibagong season. Madaling araw pa lang alam na natin na may bago nanamang panahon.

Birthday ngayon ng kapatid ko [kuno], si Rizzel. Minahal ako bilang isang tunay na kapatid kahit na si Razzel talaga ang kapatid niya by blood. Hay... ang ikli lang ng pinagsamahan namin pero parang sobrang mahalaga ang lahat ng yun.

Parang noong 2006 lang, bumili ako ng ice cream para regalo sa kanya kahit hindi na December 15. 16 yata yun, sa bahay nila Arianne. Andun ang section nila for a project.Hindi ko malimutan yun, not because of the ice cream pero because it is the birthday niya na kasama ko siya ulit after 2003. Yun din kasi ang huling birthday celebration niya na kasama ko siya. Ngayon puro bati na lang sa text at on line.

Also, kanina, naganap ang isang hindi inaasahang suwerte ng buhay ko. Na retrieve ko yung nawawalang file na ang tagal ko na talagang hinahanap. Sobrang importante kasi ng sanaysay na nilagay ko dun. Pero dahil masaya ako na ngayon pa of all the days ko nakita yun muli... i-share ko na rin siguro yung laman ng file. Isang memoir entry na very personal at para sa akin may sentimental underlying message. Ang "Chicken Mami". Hope magustuhan ng magbabasa.;

ANG CHICKEN MAMI

Ganito tayong mga kabataan tuwing umuulan. Babala; lantarang pinasisipsip ng mga talata ang kung ano mang naganap sa aking buhay apat na taon na ang nakararaan. Ang umaga ay walang kabatiran…ito’y tahimik at may halong pamimilit. Hinahanap ko nga noong umaga at miryenda ang dilag ng aking buhay. Palibhasa’y ang aral ay pinutol. Hindi naging gaya ng dati ang pag-agos ng Biyernes na yaon. Sapagkat may inihandang programa sa kinahapunan. Wari’y nakapagtataka ang alon ng mga segundo. Kinakabahan akong sa hapon ay di kami kasabay sa awasan ng mga bata. Ang lahat kasi ng magsisipagtapos ay may panayam sa bulwagan. Doon kami’y makikinig ng mga pananalita ng mga napabantog sa kanilang larangan, sa napiling karera. Minsa’y naroon ang kaba, subalit tama yata sa akin ang awit ni Frankie J—ang naglalaban sa aki’y ang puso ko’t kinabukasan. Kapag ito ay naging krisis, ito ang pinakamasaklap at kakilakilabot! Kapag ang dalawang dapat na magkasundo ay naghiwalay ng sanga ayon sa takda ng Likas, ito nga ay tinatawag sa malaon na krisis. Kapag ito ay naging krisis ito’y nanganganak ng kalamidad. Kapag ito’y kalamidad ay manganganak pa ng kudeta ng kalooban. Sa sandaling kapwa na sila kudeta sa kalooban tiyak nang mangangank ito ng dili iba’t delubyo.

Dito nga kami nahantong, ang hapon ay dumagim. Ang ulap ay nagpaninsala. Umuugong ang mga tubig sa himpapawirin at malakas ang paglalaro ng hangin. Dito na bumuhos ang makamandag na ulan. Kahalintulad ito ng mga luhang pumatak dahil natabig lang ang mata, samantalang ang may-ari ng mata ay lugami sa mga awit ng nakaraang Oktubre. Naghihintay ng umaga kung kailan mapagkakasundo niya ang mga napilas niyang algahumat. Mga umagang mapagsusunong niya ang kapwa di-magkaayos na pita—ang pag-ibig kay Lara Faye at ang pangarap sa buhay. Noong hapong iyon pinagnilayan ang kung anong gagawin sa buhay, ilalabas na sulit, pagmumulan ng pera, kabuluhan sa mundo bilang tao. Subalit paano kung ang kasikatan at karangalan ay kapalit ng pagsuko ng isang dakilang pagirog na noon lamang natagpuan sa hinaba ng kasaysayan? Isang pag-ibig na mananatiling wagas habang buhay ang mga maaaring maging saksi. Hindi nga ba’t ipinanganak ang tao hindi lamang sa hanap-buhay kundi lalo’t higit ay upang magmahal ng kapwa? Bawat lalaki ay ipinahintulot na magkabayag hindi lamang upang maganak kundi upang magpahayag ng isang natatanging pagsinta sa isang babaeng mayumi at dalisay. Danga’t ang mga bituin nga ay nilikha upang sa gabi ay magbigay tanglaw sa mga magkatipan na tanging yakap ang sandata at sila ang tanglaw? Taimtim kong nililimi ang mga dunong na maaaring mahango sa mga taludtod ng aking mga kaisipang mangha. Hindi nga ba’t naging napakatabang ng kahapon ko upang sa isang iglap pagdating ng tamang gulang ay matagpuan si Lara Faye na siya palang dahilan ng pagsilang ko’t pakikihalo sa sansinukob? Mali kayang isipin ko ang lahat ng ito? Mali kayang sa isang hapon ay sisihin ko ng pabugsobugsong ulan na siyang palatandaan ng mga tinamaan ng bagkat kong pasanin sa buhay. Malamang oo, malamang rin hindi. Sagot kaya ito ng isang matinong Lalaki na makailang beses nang nagtagumpay sa digmaan? Isang saglit pa matapos ang palatuntunan, sinikap ko pang halughugin ang paaaralan. Umaasang sa kahit mataong paligid at sulok ay naroon siya, ang aking minamahal. Napilitan na nga akong sumama sa mga kaibigan ko. Ewan ko ba, kapag nasa Liliw ako pakiramdam ko’y panatag ang kalooban ko. Hindi na ako naghihintay ng mga hagupit sa kinabukasan bagkus ay nakalingap ako sa gabing hindi dapat mapalampas pa, saglit pang mapapalapit sa lunan na kanyang tinutulugan, sa tunay niyang tahanan. Gaano ito katamis. Kahit alam kong umulan at hindi lingid sa aking matyag na noon ay may bagyong parating, sige pa rin. Nauuhaw yata ako sa maghapong di naming pagsasama at sa mga nalalabi pang bukas na baka isang paggising ay humantong na sa pagtatapos. Ako ay may pinaghalong pangamba at pag-asa. Ako ang nagmamahal na takot at sigla. Ako ang binatang mapaghintay at mapagdusa. Ako ang hamak na mangingibig at duwag. Ako ang pinagsanib na kahapon at bukas. Ako ang pinagtabing ako at anino ni Lara Faye. Ako ang di napapansing ningning. Ako ang wagas na wakas. Ako ang ilaw sa tanghaling tapat. Ako ang hindi maipaliwanag ni Lara Faye na katwiran. Ako ang landas ng kanyang pagurong. Ako ang hiwaga ng kanyang kalikasan. Ako ang kalinisan ng kanyang minamantiyahan. Ako ang kalahati ng kanyang dinurog. Ako ang di maabot na nariyan. Ang luha ng mga kasiyahan. Ako ang paghihintay na dumating. Ang mga awit ko ay naging batas ng katahimikan. Ako ang pinsala ng kadakilaan. Ako ang hindi ko maintindihang ako.

Lumingon ako sa gilid ko at natanaw ko ang rutang tinatahak ng sasakyang-makina. Ito ang daanang mula’t-mula pa ay paliagi naming binabagtas noong kabataan. Dito ako nagkaroon ng muwang. Dito nahubog ang wisyo kong ganap. Humahampas nga ang amihan. May mga samyo rin ng ampiyas, parang talsik ng laway ng mga sirena. Ayoko ng lubos na kalamigan kaya’t ibinaling ko ang ulo palihis ng bintana at namasdan ko muli ang mga mukha. Sila’y sila Relmark, Joanica, Jenna, Roy, Karlo at Rene. Ang sasakyan ay kinabibilangan tuloy ngayon ni Ako, Relmark, Joanica, Jenna, Roy, Karlo at Rene. Ang sulatin tuloy ngayon ay kinabibilangan tuloy ngayon ni Lara Faye, Ako, Relmark, Joanica, Jenna, Roy, Karlo at Rene. Ang nangungulila ay Ako. Nais makasama ng akong ito sila Relmark, Joanica, Jenna, Roy, Karlo at Rene. Habang ako’y nangungulila at nagmamahal kay LaraFaye. Ang mga taong binanggit ko maliban kay Ako, ay nagbuhat sa iisang silid aralan na ang pangalan ay MIDES. Tatlong taon matapos ang paglisan sa paaralan nila Relmark, Joanica, Jenna, Roy, Karlo at Rene; nakamit ni Lara Faye ang pinakamataas na titulo ng pagiging isang mahal sa akin ang pagiging kabilang sa MIDES. Ang lupon na pinapangarap kong maging isa. Ang silid aralan na nais kong upuan, tapakan, sulatan ng tula at makipagkaibigan.

Pagbaba namin sa sasakyan, tumungo kami sa bahay ni Rene upang kumuha ng payong. Walang kuryente, walang ningas, walang dalidab. Ang bugso ng ulan ay tuluyang naghasik ng kalungkutan. Ito ang isa sa pinakamalungkot na dapit-hapon ng mga Pilipino, ito ang isa sa mga kinatatakutang maganap ng mga paslit, ito ang kalunos-lunos na klima para sa mga taong-lansangan, ang kapit-dilim na’y wala pang kuryente. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman noon. Masaya ako dahil kasama ko ang mga kaibigan ko, kinakalimutan ng isip ko ang mahal ko subalit ayaw ng puso ko, natatakot ako dahil baka hindi ako makauwi. Oo lahat ito bumabagabag sa akin isang tanawin na makulimlim sa loob at labas ng aking puso. Maging sa alaala ko’y hindi ko mawari ang kulay ng mga dinadaanan kong paklagatan. Dito ko ihahalintulad ang pahina ng buhay ko noong hapong iyon. Hindi ko maaninag ang katotohanan ng lahat sapagkat natimpla ang di magkakaayong pakiramdam at kaisipan. Lahat kami nagtipon-tipon sa dulo ibaba ng kalye, sa panulukan. Doon nagpasya sila na kahit man lamang humigop kami ng mainit na sabaw, isang putahe na nagmula sa kabihasnang Tsino, ang Mami. Mayroon itong mainit na sabaw na kinatasan ng karne ng hayop at may noodlesong tirintas, mahaba ito at sinasangkapan ng harina at itlog. May ginayat na dahon ng sibuyas, kinalalahukan din ng karoteng hinimay at paminta, pagkatapos ay bubudburan ng kalamansi upang lalong maging malasa. Pumasok sa isip ko ang mga Mista ko. Sila kasi ang tuwina’y kasama ko sa hapon noong nakaraang taon, bago ko pa makilala si Lara Faye. Hindi ko pa alam na dapat pala’y sa Liliw ako nagmamasid kapag hapon. Inakala ko na Kalabaw ang karneng lahok sa sabaw. Ito kasi ang pinagsimulan ng aming pagkakaisa. Nang kami’y nagsama-sama sa mamihan, nabuo ang mga luha, nabuo ang mga pag-asa, nakilala namin ang isa’t-isa, doon namin natutunan ang mga sariwang halakhak, mga ngiting walang pagkukunwari at mga latay na handang hilumin. Ang mga hapong iyon pagkatapos ng pahirap ang naging premyo namin sa sarili at panatang inaabangan. Kami ang bumuo ng isang kawanian na sa tambayan nagiging taos. Sa paghigop nagiging lubos. Ito kami, at doon Ako nabibilang noon—noong wala pa si Lara Faye. Biglang ngayon, laking gulat ko nang ang ihain sa amin ay bihong-sinabawan at ang karne ay manok, ang mantikay malinaw at walang lapot na gaya ng sa kalabaw. Oo, nagbago na pala. Napagtanto ko ang katotohanan na ang Ako ay dito kabilang. Na ang Ako noon ay iba sa Ako noong makilala na si Lara Faye. Salamat sa manok, salamat sa pagalala.

Nakarating ako sa bahay na gabi na at pumapatak pa rin ang bagyo. Doon ako nagmuni sa lahat. Wala pa ring ilaw at puyog di lamang ang katawan pati na ang damdamin.



Ang May-akda


Paul Caparos




_____________________________

Again gustong gusto ko lang i-greet ang kaibigan ni Lara Faye na si Rizzel ng HAPPY BIRTHDAY. Rizzel, I miss you extremely.

No comments:

Post a Comment