Thursday, June 10, 2010

Independence Falsities

There are actually notions that June 12 is not really the Independence Day but July 04. Let's see what I have to say---





Sa tuwing sasapit ang 12 ng Hunyo, ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Araw ng Kalayaan bagaman ang tunay na kalayaan natin mula sa mga dayuhan ay natamasa noong ika 4 ng Hulyo 1946. Maging ang pambansang watawat ay inaaakala nating sa petsang ito unang nasilayan. Ang totoo, unang iwinagayway ang pambansang watawat sa isang labanan sa Cavite noong Mayo 28, 1898.





Kung tutuusin, marami naman talagang maling pinaniniwalaan tayong mga Pilipino patungkol sa sarili nating kasaysayan. Higit pa ngang alam ng iba ang kasaysayan ng Konoha kaysa sarili nating bayan. Ang Kasaysayan kasi ay isang palatuntunang tinataguan, tinataksan at kung minsa'y tinutulugan ng mga magaaral. Hindi ko sila masisi dahil sadyang naging katamad-tamad itong gampanin sa paglipas ng panahon. Papaano ba naman, pinagsanib sanib sa iisang pangalan ang dapat sana'y magkakahiwalay na pagaaral—Pagbabakas daigdig, Kasaysayan at Kultura—na tinawag nating HeKaSi. Sa nagdaang mga taon, hindi nagkaroon ng pagpapasigla sa palatuntunan ng mga paaralan kabilang ang Kasaysayan. Hanggang ngayon, marami ang tinatamad dumalo ng mga pagaaral sa Kasaysayan maliban sa iilan na bata pa lamang ay nahubog na sa pagkahilig dito. Mapalad ako na kapwa kumuha ng kursong Agham Pampulitika ang aking mga magulang danga't hindi nga lang nila natapos. Lumaki kaming naririnig silang naguusap sa kalagayan ng bansa sa tuwing nagsasalo salo sa pagkain. Sa gulang na walo, nagawa kong masaulo ang ang lahat ng kabisera ng mga bansa sa daigdig, ituro sila sa mapang walang pangalan, at makilala ang mga watawat ng bawat isa. Kahit mahina at patpatin ang pangangatawan ko, pinasali ako sa iskawt noong unang baitang at sa mataas na paaralan nama'y sumali ako sa pagsusulit upang maging punong kadete. Tungkulin daw iyon ng isang mamamayang Pilipino. Kahit ang gusto ko lamang sa kamusmusan ay umawit, tumugtog at makinig, kailangan ko ring mahalin ang kasaysayan at araling pampamayanan upang hindi ko mabigo isa man sa kanila. Sa palagay ko, kung hindi dahil dito, isa rin ako sa mga kumakaripas ng takbo palayo sa pagaaral ng kasaysayan.

Gaano karami ang nakaaalam na ang pangalan ng Pilipinas ay hinango sa ngalan ng isang hari na may sakit na tulo? Sabi nila ayos lang daw yun sapgkat marami ring Amerikano ang hindi alam ang anomalyang ginawa ni Amerigo Vespucci upang maagaw ang karangalan ng pagpapangalan mula kay Cristoper Columbus. Ganoon na lamang ba iyon? Ang malinaw na pagunawa sa Kasaysayan ay tanda ng isang bansang nagpupunyagi sa pagunlad. Kahit noon pa man, ang mauunlad na kabihasnan ay nagpapatayo ng hiwalay na tanggapan at kawanianng nagtatala, nagsasaayos, at nagiingat ng kasaysayan. Ang kasulatang iyon ang nagiging batayan sa mga pagpapasya ng pamunuan ng mga kaharian at lupong pandigma.

Samakatuwid, ang Pilipinas, bilang isang bayang may malalim na pinagmulan at may matayog na mithiing patutunguhan, ay dapat sa lahat ng pagkakataon na manindigan sa wastong pagtatala ng kasaysayan. Bakit nga ba hindi natin ipagdiwang ang ika 4 ng Hulyo bilang araw ng kalayaang pampulitika habang ipinagdiriwang rin ang ika 12 ng Hunyo bilang araw ng kalayaan ng lahi? Noon kasing lumaya tayo sa mga Kastila, napalaya naman nating tunay ang Pilipinas sa kamangmangan at sa mga maling kaugaliang iginapos ng mga manankop sa ating pagkabansa. Subalit hindi ito kinilala sa ibang bansa bilang ganap na kalayaan kung kaya't hindi nagkaroon ang Unang Republika ng ganap na Soberanya. Sa madaling salita, malaya ang lahi subalit kulang ang mga sangkap upang maging isang estado. Ang usapin ay pampulitika. Bakit nga ba sa halip na kaarawan ng mga bayani ay kamatayan nila ang inaalala natin? Bakit ang pagbagsak ng Paso Tirad at Bataan? Bakit nga ba sa mga aklat nakasipi na natukalasan ni Ferñao Magallaes ang Pilipinas? Bakit hindi natin sabihing noong ika 21 ng Abril 1521 nagkatagpo ang mga Pilipino at taga-Kanluran? Lagi na lamang ba nating titingnan ang kasaysayan sa paraang kanluranin? Sinabi ni Douglas McArthur, "Babalik ako" subalit hindi natin tinatanong "Bakit ka Umalis?" at iniwan ang Maynila bilang isang bukas na lunsod. At heto tayong mga Pilipino, mas maraming alam kay Naruto higit sa sariling kasaysayan. Maaari kayang magising tayo isang araw na isang bayang nawawala sa sarili? At gaya ng marami sa aking mga kaibigan, kung muli akong isisilang hindi ko nais na muling isilang sa bayang ito kung hindi maging isang Pranses.

SINO ANG PAMBANSANG BAYANI?

Walang kinalaman si Jose Mercado Rizal sa Araw ng Kalayaan. Sa totoo lang, tutol siya sa pagaaklas ng mga katipunero. Kung siya ang masusunod, nais niyang maging pansamantalang lalawigan ng Espanya ang Pilipinas at magpatatag ng kabuhayan at sandatahan bago tuluyang humiwalay. Ang plano niyang ito ay aabutin ng ilang taon at kung natupad, maaaring nakalaya ang Pilipinas sa taong 1917. Nangangahulugan, hindi bahagi si Rizal ng pagtatagumpay noong ika 12 ng Hunyo 1898 at dalawang taon na siyang patay. Papaano nga ba naging pambansang bayani si Jose Mercado? Siya nga ba ang nagiisang karapatdapat na Pilipino na kakatawan sa natatanging kadakilaan ng ating lahi?

Pinili si Rizal bilang pambansang bayani hindi ng mga Pilipino kung hindi ng isang sangguniang itinatag ng mga Amerikano. Pinili siya gamit ang pamantayang mula sa mga dayuhan. Kung ihahambing kay Andres Bonifacio, si Rizal ang pipiliin ng mga Amerikano. Siya ay nakapagaral sa isang pamantasang Espanyol at marunong ring magsalita ng bahagyang Ingles. Nanggaling sa nakaririwasang maganak at nakapagsuot ng mga kasuotang may hawig sa mga banyaga. Lamang ang katangian ni Rizal kay Bonifacio. Sa madaling salita, hindi naging patas ang laban sa pagitan ni Rizal at ng ibang mga bayani. At kung hindi si Rizal ang dapat maging pambansang bayani, si Bonifacio ba ang tunay na anino ng kagitingan ng kabihasnang Pilipino?

Bagama't itinuturing bilang pambansang bayani ng Hukbong Katihan si Andres Bonifacio at ako naman ay awang awa sa lahat ng sinapit niya, hindi ko rin maipaglalabang si Bonifacio na nga ang marapat sa turing ng pambansang bayani. Una, hindi mapagtitibay na dakila ang kanyang katapangan sanhi na rin ng wala sa lugar niyang pagpapasimula ng pagaaklas. Hindi naman talaga dahas ang sagot sa mapaniil na pananakop ng Espanya. patunay sa wala sa lugar niyang katapangan ang tala ng sigalot sa loob mismo ng Katipunan. Hindi maitatatwang hindi naging mabuti ang pakikitungo niya sa ilang kasama at pinatunayan ito sa isang pagpupulong na ginanap sa Tejeros. Ni isang mataas na puwesto ay hindi napanalunan ni Bonifacio. Hindi siya tunay na kinilalang ama ng buong katipunan. Pangalawa, alinsunod sa nabanggit na katayuan niya sa katipunan, hindi banyaga ang kumitil ng kanyang buhay kung hindi kapwa rin niya Pilipino. Malaking tanong kung taal ba ang pagiging martir niya. Pangatlo, hindi dahilan ang pagkamaralita niya upang maging pangunahing bayani sapagkat hindi naman lahat ng PIlipino ay maralita. Magiging dahilan ito upang ang mga nasadlak sa karukhaan ay manatili at hindi na lumaban pa paaahon mula sa kahirapan kung ang pambansang bayani nga ay nanatiling aba hanggang sa mamatay.




Napakahalaga ng pagiging pino, mahinahon, at maginoo sa mga pamantayan upang maging pambansang bayani. Dahil na rin dito kung kaya't hindi mahihirang na pambansang bayani si Bonifacio sakaling isailalim sa masusing pagsasala ang mga bayani. Ang pagiging babaero ni Rizal ay hindi rin sumasalamin sa pino at maginoong katangian ng mga sinaunang Pilipino. Tanging ito lamang ang dahilan kung bakit hindi nakapasa si Rizal sa aking pamantayan. Maliban dito, isa siyang tunay na dakilang Malayo.

Kung ganon, sino ang tunay na pambansang bayani sakaling idaan sa masusing pagsasala ang lahat ng bayani? Walang iba kung hindi ang dakilang lumpong si Apolinario Mabini. Siya ang tunay na larawan ng kagitingan, katalinuhan, pagpupunyagi sa kabila ng karamdaman, at may bahagi sa naging matagumpay na Araw ng Kalayaan noong ika 12 ng Hunyo. Si Apolinario Mabini ang Utak ng Himagsikan. Hindi gumamit ng dahas subalit tanda ng katatagan at katapangan. Hindi nabahiran ang kanyang pangalan at pagka-Pilipino ni nadungisan man lang ng masamang pakikitungo sa mga kasama, pambababae o pangangalunya ang kanyang buhay. Hindi naging hadlang ang kapansanan at kakulangan niya sa kalusugan upang maging isang kapitapitagang kawani at tagapayo sa pamahalaang Aguinaldo. Hindi nga ba't ganito ang Pilipino? Anuman ang pinagdadaanan at kakulangan ay hindi dahilan upang maiangat ang pagkatao at tuparin ang dakilang tawag ng pagkamamamayan.




Isang panalangin sa akin na muling buklatin ang kasaysayan at harinawa'y kilalanin ang pambansang bayani. Ngunit sakaling hindi man ito matupad, sana'y malaman ng marami ang mayaman at makatuwirang nakalipas ng sambayanang ito at kung paano nakamit ang kanyang kalayaan. Sa loob ng bawat isang Pilipino ay isang bayani. Hindi na nga kailangang humanap pa. Bayani na dapat kilalanin. Hindi dahil mayroon na tayong pambansang bayani ay hindi na natin hahangarin ang lumakad sa makipot na landasin ng kabayanihan. Sila ay ating kinikilala, pinagaaralan, itinutuwid ang tala, at ipinagdiriwang upang palagiang magpaalala sa kung papaano dapat sa tuwina'y taas noo nating ipagpitagan ang bayan at dugong nananalaytay. Ipaglaban ang kalayaan mula sa banta ng paniniil maging ng tao man o kaisipan. Higit sa lahat, sila'y nariyan upang turuan ang isang payak na mamamayan na magpunyagi upang maitaas ang kanyang pagkatao at tingnan ang sarili bilang isang hibla ng maringal na bansang may matayog na lungatiin, mayamang kamanahan, maipagmamalaking kaugalian at nakalatag na kinabukasan.

No comments:

Post a Comment